CAUAYAN CITY – Sasampahan ng kasong homicide sa Piskalya ang isang misis na nakasaksak at nakapatay sa kanyang mister na unang nanakit at nangtangkang sumaksak sa kanya kahapon ng umaga.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Elena de Guzman, 34 anyos at residente ng Calimaturod, Cordon, Isabela, na naliligo siya para sana bumoto nang dumating ang kanyang mister na si Freddie de Guzman, 34 anyos.
Ang biktima ay lasing na dumating mula sa San Antonio, Diffun, Quirino at pinaratangan umano ang misis na lalaki niya ang kanyang kaibigan.
Ayon kay Ginang de Guzman, hinila siya mula sa banyo, sinabunutan at sinuntok sa mukha.
Dinala siya sa kanilang kuwarto at kumuha umano ng kutsilyo at tinangkang isaksak sa kanya ngunit siya ay nakaiwas .
Naagaw ng ginang ang kutsilyo at hindi umano sinasadyang naisaksak sa kanyang mister na tinamaan sa kanyang dibdib.
Matapos masaksak ang mister ay lumabas siya at nagpasaklolo kanilang mga kapitbahay.
Ayon sa ginang, nauna silang nag-away ng kanyang mister dahil pinagseselosan ang kanyang kaibigan.
Umalis ang kanyang mister at hindi umuwi kinagabihan.
Samantala, sinabi ni PMaj. Richard Gatan, hepe ng Cordon Police Station na mananatili sa kanilang kustodiya ang ginang at kakasuhan ng homicide kapag pormal na nagreklamo ang mga kamag-anak ng kanyang mister.
Kapag walang reklamo sa loob ng 36 oras a reglamentary period ay isasampa nila ang kaso sa piskalya sa pamamagitan ng regular filing.