--Ads--

Pormal nang nanumpa at tumanggap ng mas mataas na ranggo ang 339 na Police Commissioned Officers (PCOs) at Police Non-Commissioned Officers (PNCOs) ng Police Regional Office 2 (PRO2) sa isinagawang Simultaneous Oath-Taking, Donning and Pinning of Ranks sa PRO2 Parade Ground kahapon, Hulyo 29 bilang bahagi ng First Cycle Calendar Year 2026 Second-Level Uniformed Personnel Regular Promotion Program.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PBGen. Mariano Rodriguez, Regional Director ng PNP Region 2, sinabi nito na 114 Police Commissioned Officers at 225 Police Non-Commissioned Officers mula sa Regional Headquarters, mga Police Provincial Office at Santiago City Police Office ang kabilang sa mga na-promote.

Ipinaalala ni Rodriguez na ang bawat pagtaas ng ranggo ay nangangahulugan ng mas malaking responsibilidad at mas malalim na pagtatalaga sa paglilingkod sa publiko at pagpapatupad ng batas.

Kinilala rin niya ang mga pulis na tumulong sa pagpapatupad ng seguridad sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na naging maayos at mapayapa dahil sa dedikasyon ng mga kapulisan.

--Ads--

Ayon pa sa opisyal, mahigpit ang proseso ng pagtanggap sa mga nagnanais na mapabilang sa Philippine National Police kung saan kinakailangang pumasa sa medical eligibility, physical agility test, neuro-psychiatric examination at iba pang kwalipikasyon upang matiyak ang kahandaan ng mga aplikante sa serbisyo.

Sa kabuuang bilang ng mga na-promote, 53 ang umangat sa ranggong Police Major, 8 ang naging Police Captain, at 53 ang naging Police Lieutenant, habang kabilang naman sa mga PNCO ang isang Police Executive Master Sergeant, 100 Police Chief Master Sergeants, 22 Police Master Sergeants, 45 Police Staff Sergeants at 57 Police Corporals.

Pinakamarami sa mga na-promote ay mula sa Cagayan Police Provincial Office na may 131 personnel, kasunod ang Isabela Police Provincial Office na may 93 na mga promotee.