Patuloy pang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng umano’y mastermind sa pamamaril na naganap sa kasagsagan ng patronal fiesta sa Sto. Tomas, Isabela.
Ayon kay PBGen. Mariano C. Rodriguez, Acting Regional Director ng Police Regional Office 2 (PRO-2), sinabi nito na naipasa na sa tanggapan ng piskalya ang mga pahayag ng mga testigo at biktima upang masuri kung sapat na ang mga ebidensyang nakalap para sa pagsasampa ng kaso.
Aniya, natukoy na ng mga awtoridad ang mga gunman na sangkot sa insidente ngunit wala pa silang sapat na ebidensya upang pangalanan at sampahan ng kaso ang posibleng mastermind.
Sinabi pa ng opisyal na isa sa mga anggulong kanilang tinitingnan ay ang posibleng kaugnayan ng insidente sa pulitika dahil lumalabas sa kanilang imbestigasyon na isang barangay chairman ang pangunahing target ng pamamaril.
Tiniyak naman ni Rodriguez na nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang lahat ng nasa likod ng krimen at maiharap sila sa hustisya.











