Patuloy na tinutugis ng mga kapulisan ang mga suspek sa naganap na pamamaril sa San Rafael Abajo, Santo Tomas, Isabela kagabi, May 24 na ikinasawi ng apat na indibidwal at ikinasugat ng 4 iba pa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Scarlette Topinio, tagapagsalita ng Isabela Police Provincial Office, sinabi nito na habang kasalukuyan ang pagdiriwang ng Patronal Fiesta sa naturang barangay, bigla na lamang dumating sa lugar ang apat na hindi nakikilalang suspek dakong 7:48 ng gabi at pinagbabaril ang mga biktima gamit ang long firearms.
Kabilang sa mga nasawi ang Punong barangay ng Colungan, Santo Tomas, isang Pulis, at dalawang magsasaka. Isa sa mga nasugatan ay na-discharged na habang nananatili pa rin sa pagamutan ang tatlong iba pa.
Matapos ang insidente ay agad na tumakas ang mga suspek patungong west direction.
Sa isinagawang pagsisiyasat ng mga awtoridad, narekober sa lugar ang ilang basyo ng caliber 5.56 at caliber 45 na sa ngayon ay subject for ballistic examination.
Ayon kay PCapt. Topinio, hindi pa matukoy kung mayroon bang pangunahing target ang mga gunman ngunit inaalam na sa ngayon ang motibo ng pamamaril.
Activated na Special Investigation Task Group upang mas matutukan at mas mapabilis ang pagtunton sa mga suspek upang mabigyan ng hustisya ang mga biktima.











