Patuloy ang search-and-rescue operation ng mga awtoridad sa Greece para sa apat na piloto matapos magsalpukan sa himpapawid ang dalawang firefighting helicopter habang tumutugon sa malawakang wildfire malapit sa Athens.
Batay sa mga ulat, nakuhanan ng video ang isa sa mga helicopter na sumabog at bumagsak habang nilalamon ng apoy matapos ang hinihinalang banggaan ng rotor ng dalawang sasakyang panghimpapawid sa Psatha area.
Ang mga helicopter ay bahagi ng operasyon upang apulahin ang mga wildfire na sumira na sa mahigit isang daang bahay at nagdulot ng sapilitang paglikas ng maraming residente sa iba’t ibang bahagi ng Greece.
Kasabay nito, patuloy ring nilalabanan ng mga bumbero ang isa pang sunog sa Porto Germeno sa Gulf of Corinth kung saan tumawid ang apoy sa kabundukan at umabot sa isang military firing range na nagdulot ng panganib mula sa mga hindi pa sumasabog na bala.
Aabot sa halos 500 bumbero ang ipinakalat sa lugar habang tumanggap din ang Greece ng karagdagang tulong mula sa France at Romania.
Ayon sa mga ulat, mahigit 10,000 ektarya ng lupa ang posibleng nasira na ng mga wildfire sa bansa.
Samantala, isang 44-anyos na lalaki ang inaresto sa isla ng Kefalonia dahil sa hinalang sinadya nitong pagsiklabin ang isang wildfire sa Pastra area noong Sabado.
Patuloy namang nararanasan ng ilang bansa sa Europa ang matitinding wildfire bunsod ng kakulangan ng ulan at matinding init na, ayon sa mga siyentipiko, ay pinalalala ng epekto ng climate change.
Bukod sa Greece, nakararanas din ng mga wildfire ang France at Spain, habang nahaharap naman ang Hungary at Serbia sa matinding tagtuyot at pagbaba ng lebel ng tubig sa Danube River na nakaaapekto na sa suplay ng enerhiya sa kanilang mga bansa.











