--Ads--

Walang naitalang Pilipino na direktang naapektuhan ng nagpapatuloy na wildfires at haze sa ilang bahagi ng Indonesia, ayon sa Philippine Embassy sa Jakarta.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Consul Gonaranao Musor, Deputy Chief of Mission and Consul General ng Philippine Embassy sa Jakarta, patuloy ang monitoring ng embahada sa kalagayan ng mga Pilipino, partikular sa Kalimantan at Sumatra na kabilang sa mga lugar na direktang apektado ng mga wildfire.

Tinatayang nasa 63 Pilipino ang nasa Kalimantan habang nasa 200 naman ang nasa Sumatra. Sa kabuuan, tinatayang nasa 6,000 hanggang 7,000 Pilipino ang nasa buong Indonesia, kabilang ang humigit-kumulang 600 na nasa Jakarta.

Gayunman, wala pa silang natatanggap na ulat ng Pilipinong nasugatan, naospital o nakaranas ng seryosong epekto sa kalusugan dahil sa haze.

--Ads--

Ayon kay Musor, higit na binabantayan ng embahada ang posibleng epekto ng usok sa respiratory health ng mga Pilipino, lalo na kung magpapatuloy o lalala ang mga wildfire.

Samantala, nananatiling normal ang sitwasyon sa Jakarta dahil malayo ito sa mga lugar na direktang apektado ng wildfire at haze.

Sinabi ni Musor na hindi pa umaabot sa Jakarta ang haze sa antas na nangangailangan ng espesyal na health advisory, gaya ng pagsusuot ng face mask.

Patuloy naman ang pagtugon ng pamahalaan ng Indonesia sa mga sunog sa pamamagitan ng pag-deploy ng mga firefighting units, cloud seeding at iba pang hakbang upang mapigil ang pagkalat ng apoy.

Iniimbestigahan din ng Indonesian authorities ang posibleng pananagutan ng ilang kumpanyang may concession areas na naapektuhan ng sunog.

Binigyang-diin naman ni Musor ang kahalagahan ng koordinasyon sa pagitan ng mga bansa sa ASEAN dahil hindi lamang Indonesia ang naaapektuhan ng haze. Kabilang sa mga bansang nakararanas ng epekto nito ang Malaysia, Singapore, Brunei at Pilipinas.

Pinayuhan naman ang mga Pilipino sa Indonesia na manatiling mapagmatyag at agad makipag-ugnayan sa Philippine Embassy sakaling magkaroon ng anumang concern.

Samantala, pinayuhan ang mga Pilipinong nakararanas ng epekto ng haze na mag-ingat, gumamit ng face mask kung kinakailangan at magpakonsulta sa doktor sakaling makaranas ng respiratory symptoms.