--Ads--

Halos tatlong daang libong ektarya na ng lupain ang apektado ng nagpapatuloy na wildfires sa Indonesia na nagsimula pa noong Enero at nag-peak noong Hulyo.

Ayon kay Bombo International News Correspondent Lyn Dolor, inaasahang lalo pang lalala ang sitwasyon ngayong Setyembre dahil sa patuloy na tuyong panahon na pinalalala ng El Niño.

Kabilang sa pinakanaaapektuhang lugar ang Kalimantan at Sumatra, kung saan mahigit 165,000 kaso ng acute respiratory infection ang naitala mula Enero hanggang Agosto dahil sa epekto ng usok at haze.

Sa Pontianak, West Kalimantan, umabot naman sa 600 ang Air Quality Index, na nasa very hazardous level, habang bumaba sa halos isang kilometro ang visibility dahil sa kapal ng usok.

--Ads--

Patuloy ang operasyon ng Indonesian government kabilang ang ground firefighting, aerial water bombing, air patrols at cloud seeding.

Nasa 19 na kaso rin umano ang iniimbestigahan kaugnay ng pinagmulan ng mga sunog, habang anim na kumpanya na ang napatawan ng sanctions dahil sa posibleng pagkakasangkot.

Naglaan din ang pamahalaan ng 5-billion rupiah para sa wildfire control operations at nagpakilos ng mga pulis, militar at medical teams, kabilang ang pamamahagi ng libo-libong face masks sa mga apektadong residente.

Samantala, hindi lamang kalusugan ng mga residente ang apektado kundi maging ang wildlife, agriculture at ekonomiya ng Indonesia dahil sa pagkasira ng mga kagubatan at plantation areas.

Umabot na rin ang epekto ng haze sa ilang karatig-bansa gaya ng Malaysia, Singapore, Brunei at Pilipinas.