Hindi bababa sa limang katao ang nasawi habang anim ang malubhang nasugatan matapos tamaan ng airstrike ng Israel ang isang residential apartment sa Gaza City.
Ayon sa mga medical staff ng al-Shifa Hospital, tinamaan ang al-Asala building sa Remal neighborhood habang natutulog ang mga residente at wala umanong paunang babala.
Batay sa ulat, tumagos ang pagsabog sa tinarget na apartment at nakaapekto rin sa mga palapag sa ibaba ng gusali. Umabot naman nang halos isang oras ang sunog bago ito naapula ng Palestinian Civil Defence.
Apat sa mga nasawi ay babae, kabilang ang isang matandang Kristiyanong babae at kanyang anak.
Patuloy naman ang paghahanap ng mga rescue worker sa mga posibleng nawawala at mga biktimang nasa ilalim ng mga guho.
Samantala, isinugod sa al-Shifa Hospital ang anim na sugatan para sa kaukulang paggamot.










