
CAUAYAN CITY – Nilinaw ng pamahalaang Lunsod ng Cauayan na wala ng extension sa pagpapatupad ng No Contact Apprehension Program (NCAP) sa Lunsod.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Mayor Bernard Dy na ang NCAP ay inilunsad noong September 22, 2021 at ito ay ipinatupad noong January, 2022 na ikinagulat ng mga lumabag matapos mabigyan ng ticket.
Agad na nilutas ng City Council at inamyendahan ang ordinansa may kaugnayan sa naturang programa.
Binigyan ng hanggang limang warnings ang sino mang lalabag at kapag lumabag sa ikaanim na pagkakataon ay mabibigyan na ng ticket.
Sa una hanggang limang paglabag ay mapapadalhan ng warning ang violator ngunit walang babayaran kundi ito ay magsisilbing paalala na may ginawang paglabag sa NCAP.
Nilinaw ni Mayor Dy na layunin ng pagpapatupad ng no contact apprehension program na malimitan ang speed limit at mabawasan ang mga aksidente sa daan dahil sa mabilis na pagpapatakbo ng mga motorista.










