Umakyat na sa anim ang bilang ng mga nasawi habang mahigit 74,000 pamilya ang naapektuhan ng pinagsamang epekto ng mga bagyong Luis at Maymay at ng southwest monsoon o habagat, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa pinakahuling situational report ng NDRRMC hanggang alas-6 ng umaga nitong Agosto 8, nasa 74,755 pamilya o katumbas ng 261,048 indibidwal ang naapektuhan sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol Region, Zamboanga Peninsula, Cordillera Administrative Region (CAR), Mimaropa at Calabarzon.
Ayon sa ahensya, dalawang katao ang nasawi sa Benguet matapos matabunan ng landslide habang dalawa naman ang namatay sa Rodriguez, Rizal dahil sa rockslide.
Dalawa ring nasawi sa La Union kung saan isa ang nalunod at isa naman ang nakuryente.
Samantala, pito katao ang nasugatan, pawang mula sa Benguet. Lima sa mga ito ang nasaktan sa landslide sa Baguio City, isa sa vehicular accident sa Kapangan, at isa pa sa panibagong landslide sa La Trinidad.
Wala namang naitalang nawawalang indibidwal kaugnay ng masamang panahon.
Iniulat din ng NDRRMC na 83 evacuation centers ang binuksan para sa mga apektadong residente kung saan pansamantalang nanunuluyan ang 2,519 pamilya o 7,580 indibidwal.
Nasa 120 kabahayan naman ang napinsala, kabilang ang 112 na bahagyang nasira at walong tuluyang nawasak.
Tinatayang umabot sa P105.5 milyon ang halaga ng pinsala sa imprastraktura habang nasa P3.53 milyon naman ang pinsala sa sektor ng agrikultura.
Sa kabila nito, nakapaghatid na ang pamahalaan at iba pang responders ng ayudang nagkakahalaga ng P7.38 milyon para sa mga apektadong komunidad.
Nilinaw ng NDRRMC na patuloy pang sumasailalim sa beripikasyon ang mga datos at maaaring tumaas pa ang bilang ng mga naapektuhan at halaga ng pinsala habang nagpapatuloy ang assessment at response operations.
Samantala, nanawagan ang Office of Civil Defense (OCD) sa publiko na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad dahil patuloy na nagdudulot ng malalakas na pag-ulan ang habagat sa ilang bahagi ng bansa.









