CAUAYAN CITY – Magsasagawa ng bandillo o information drive ang pamunuan ng Public Order and Safety Division o POSD patungkol sa pagdiriwang ng bagong taon mula ikatatlumpu hanggang ikatatlumput isa ng Disyembre o bisperas ng pasko.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na iikutan na nila ang lahat ng barangay ng Cauayan City upang paalalahanan ang publiko tungkol sa hindi magandang dulot ng paputok pangunahin na sa mga batang inosente sa paghawak nito.
Nabilinan na rin ang mga barangay official tungkol sa paglalagay ng area para sa pagpapaputok sa bagong taon.
Maging sa bahagi ng pamilihan ay may mga magbabantay na rin upang matiyak na hindi maibenta sa merkado ang mga ipinagbabawal, peke at mga hindi regulated na paputok.
Nagbabala naman siya sa mga magbebenta ng ipinagbabawal na paputok na ito ay kukumpiskahin lalo na ang mga magbebenta sa hindi designated na lugar sa Brgy. Cabaruan.
Ayon kay POSD Chief Mallillin, may listahan na sila ng mga taong nagbebenta ng iligal na paputok sa lunsod at tiniyak niya na kung makikita nila ang mga ito na nagbebenta sa hindi designated na lugar ay agad na kukumpiskahin ang kanilang paninda.
Pinaalalahanan naman niya ang mga bibili pa lamang ng paputok na sa Brgy. Cabaruan ang designated area ng mga nagbebenta ng paputok sa lunsod ng Cauayan at huwag bibili sa mga iligal na nagtitinda nito.











