Tinanggihan ng Sandiganbayan ang petisyon para sa piyansa ng siyam na dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nahaharap sa kasong malversation, kasama si dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co, kaugnay ng umano’y substandard na P289 milyong flood control project sa Oriental Mindoro.
Ayon sa 41-pahinang resolusyon ng anti-graft court, naipakita ng prosekusyon ang matibay na ebidensya laban sa mga akusado. Ang mga hindi pinayagang magpiyansa ay sina Gerald Pacanan, Gene Ryan Altea, Montrexis Tamayo, Juliet Calvo, Dominic Serrano, Dennis Abagon, Lerma Cayco, Felisardo Casuno, at Ruben Santos Jr., na pawang dating o kasalukuyang opisyal ng DPWH Region IV-B na may kaugnayan sa proyekto.
Ayon sa korte, may ebidensya na nagbigay-daan sa release ng P215 milyon sa contractor na Sunwest, Inc., sa kabila ng umano’y maling pahayag sa disbursement vouchers. Nakita rin na pinayagan ng mga akusado ang Sunwest na gamitin ang pondo sa pamamagitan ng di-totoong paglalahad ng mga impormasyon sa dokumento.
Nilinaw ng Sandiganbayan na ang pagtanggi sa piyansa ay hindi nangangahulugang napatunayang nagkasala ang mga akusado, kundi ito ay batay lamang sa timbang ng ebidensya para sa layunin ng bail.











