--Ads--

CAUAYAN CITY- Target na mapatubigan ang 90,000 ektrayang sakahan na sakop ng National Irrigation Administration Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) sa darating na buwan ng Hunyo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Michel Gileu Dimoloy, Department Manger ng NIA-MARIIS, sinabi niya na nagsimula na silang magpakawala ng tubig para sa 60,000 na hektarya ng palayan ngunit hindi kabilang dito ang mga lugar na nasa tail end gaya ng Reina Mercedes, Naguilian, Cordon, Santiago City at Echague sa Isabela habang sa lalawigan naman ng Quirino ay sa Diffun, Saguday at Cabarrouguis.

Aniya, kapag mababa ang lebel ng tubig ay hindi na makaka-abot ang agos nito mula sa mga lugar na nabanggit.

Ngunit kapag hindi na aniya nag-extend ang El Niño ay umaasa si Engr. Dimoloy na pagsapit ng huling linggo ng Hunyo ay mapapatubigan na ang lahat ng palayan na sakop ng kanilang program area.

--Ads--

Dagdag pa ni Engr. Dimoloy, nakatulong sa pagtaas ng water inflow sa Magat Dam ang mga naitalang pag-ulan sa lalawigan ng Isabela.

Mula sa dating 30 cubic meter per second na inflow sa watershed ay tumaas ito hanggang 91 cubic meter per second kagabi kasabay ng malakas na pagbugso ng ulan na naranasan sa lugar habang nananatili namang mababa ang water elevation nito na nasa 175.75 meters above sea level lamang.