--Ads--

CAUAYAN CITY – Pinangalanan na ng pamunuan ng Jones Police Station ang mga pulitiko na ang kanilang larawan ay hawak ng naarestong dalawang lalaki na ang isa ay hinihinalang miyembro ng Private Armed Group (PAG).

Ang dalawang naaresto ng mga pulis sa isang checkpoint ay sina Wilfred “Wilson” Betita at Jessie Pascual, kapwa residente ng Santa Isabel, Jones, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PCpt Fernando Mallillin, hepe ng Jones Police Station na nakuha sa dalawang suspek ang larawan nina Mayor Leticia Sebastian, Sangguniang Bayan Member Nestor Apolinario, Suzette Sebastian at isang Melvin Co na may nakasulat na target at priority target kaya posibleng mayroon silang masamang balak sa kanila.

Nanatili sa pangangalaga ng Jones Police Station ang mga suspek at isinasailalim sa masusing imbestigasyon.

--Ads--
Ang tinig ni PCpt. Fernando Mallillin

Magugunitang ang dalawang suspek ay nadakip sa checkpoint at nasamsaman ng Cal. 45 pistol na may isang magazine at 8 bala, dalawang granada, dalawang sachet ng hinihinalang pinatuyong dahon ng Marijuana at tatlong sachet ng hinihinalang shabu.