CAUAYAN CITY – Nasugatan ang 6 na tao matapos mahulog ang sinasakyang Tricycle sa bangin sa Kirang, Aritao.
Ang mga nasugatan ay sina Marinao Aonan, tsuper ng tricycle, 71-anyos, at mga sakay nitong sina Victoria Aonan, 75-anyos, tindera, Maureen Tacuyo, 18-anyos, estudyante, Wenna Aonan, 18-anyos, Zyril Aonan, 17-anyos at Fate Cabigat, 6-anyos na pawang residente ng Baan, Aritao, Nueva Vizcaya.
Sa pagsisiyasat ng Aritao Police Station, binabagtas ng tricycle ang kahabaan ng Aritao Road nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente ay sumabit sa gulong ng tricycle ang balabal na dala ng isa sa mga biktima.
Dahil sa pangyayari ay nawalan ng kontrol sa manibela ang tsuper ng tricycle at biglang pumihit pakanan sanhi para mahulog ang tricycle sa bangin.
Nagtamo ng matinding sugat ang mga biktima sa iba’t ibang parte ng katawan na agad na dinala sa pagamutan para malapatan ng lunas.
Subalit inilipat ang dalawa sa mga biktima kabilang na ang tsuper ng tricycle sa isang pagamutan sa Bayombong dahil sa malubhang sugat na tinamo.