
CAUAYAN CITY – Binigyan ng Heroes Welcome ang unang batch ng kinatawan ng TESDA Region 2 na nanguna sa pagkukumpuni sa mga nasirang bahay sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Odette sa Sipalay City, Negros Occidental.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Director Vilma Cabrera ng TESDA Isabela, sinabi niya na sampung trainers mula sa Isabela Arts and Trade o ISAT-TESDA at Southern Isabela College of Arts and trade o SICAT na pawang mga may skills sa Carpentry, Masonry at Electrical Installation.
Aniya ikalawang linggo pa lamang ng Enero ng tumulak na ang unang batch sa Sipalay City Negros Occidental at nakatakdang ipadala pa ng TESDA Region 2 ang ikalawang batch ng trainers na binubuo naman ng mga mga may skills sa Carpentry, Masonry, Electrical, food production at Agriculture Production.
Tutukan ng ikalawang batch ng trainers ang paglalagay ng mga solar panels na magsisilbing source ng kuryente para sa itatayong charging station.
Layunin ng TESDA sa pagpapadala ng mga volunteer trainers ay upang maturuan ang mga apektadong residente na kumpunihin ang kanilang nasirang tahanan maging ang pagkakabit ng kanilang mga nasirang linya ng kuryente sa kanilang mga bahay.
Kabilang rin sa naihatid na tulong ng TESDA region 2 sa Sipalay City ay ang mga Food at non food items na pinag-ambagan ng lahat ng mga Technical Vocational Institutions sa Lambak ng Cagayan.










