--Ads--

CAUAYAN CITY – Namatay sa aksidente ang dalawang tao kabilang ang  13-anyos  na binatilyo sa  banggaan ng motorsiklo at tricycle sa Provincial Road, Pieza, Villaverde, Nueva Vizcaya.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Nueva Vizcaya Police Provincial Office (NVPPO) ang motorsiklo ay minaneho  ni  Christopher Gallien, 20-anyos, Grade-10 student at residente ng Nagbitin, Villaverde, Nueva Vizcaya.

Ang tricycle  naman ay minaneho ni Bryan Abedosa, 19-anyos at ang mga pasahero niya ay sina Maui Garzota, 19-anyos; Angela Abedosa, 12-anyos at Jansen Abedosa, 13-anyos, pawang mag-aaral at residente ng Pieza, Villaverde, Nueva Vizcaya.

Batay sa pagsisiyasat ng Villaverde Police Station, patungo ang tricycle sa barangay Pieza habang ang motorsiklo ay patungo sa barangay Ibung.

--Ads--

Umagaw umano ng linya ang motorsiklo sanhi para salpukin nito ang kasalubong na tricycle.

Nagtamo ng malalang sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga sakay ng tricycle at motorsiklo na agad dinala sa Region 2 Trauma and Medical Center ngunit idineklarang dead on arrival ang isa sa mga pasahero ng tricyce na si Jansen Abedosa at driver ng motorsiklo na si Christopher Gallien.

Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya na galing sa inuman ang tsuper ng motorsiklo at nagpabalik balik pa sa pagpapatakbo ng kanyang motorsiklo hanggang sa mabangga ang tricycle na sinakyan ng mga estududyante.

Patuloy na nagpapagaling sa pagamutan ang iba pang mga sakay ng tricycle.