
CAUAYAN CITY – Wala pa ring aksyon sa matagal ng problema ng mga residente sa Barangay Marabulig 1 na maraming langaw.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Marina Che Sison, residente ng Barangay Marabulig 1, sinabi niya na simula noong 2016 hanggang ngayon ay wala pa ring naging aksyon sa kanilang reklamo tungkol sa napakaraming langaw na dumadapo sa kanilang mga kabahayan na tumatagal ng tatlong linggo hanggang isang buwan kapag panahon ng pag-harvest sa mga manok.
Ilang beses na nila itong isinumbong sa barangay at sa pamahalaan ngunit walang tugon hanggang sa ngayon.
Hindi rin nila maintindihan kung bakit naaprubahan at nabigyan ng permit na magpatayo ng poultry sa kanilang barangay dahil sobrang lapit lamang nito sa mga kabahayan sa purok 4 na nasa halos isang daang metro lamang ang layo.
Wala man silang naaamoy mula sa nasabing poultry ngunit sakit sa ulo ang mga langaw na kahit pa nag-i-spray sila ay hindi nauubos ang mga ito sa halip ay mas lalo pang dumadami.
Ayon pa kay Ginang Sison, kailangan pa nilang pumunta sa kanilang kwarto upang kumain.
Mayroon siyang negosyong kainan at umaabot siya sa kanyang pagluluto ng hanggang alas onse ng gabi dahil hinihintay niyang umalis ang mga langaw.
Hindi lang naman siya ang nagrereklamo dahil maging ang kanyang mga kapitbahay.
May mga ipinapadala naman ang sanidad para mag spray ngunit pagkatapos ng ilang minuto ay nagsisibalikan din ang mga langaw.










