CAUAYAN CITY – Tiniyak ng National Bureau of Investigation o NBI Isabela ang mas mabilis na proseso sa pagkuha ng NBI Clearance maging ang pagbubukas ng ilang Sub Office sa ilang bayan sa Lalawigan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan Kay Provincial Director Christopher Mesa ng NBI Isabela, ibinahagi niya ang ilang hakbang ng NBI upang mapaganda ang kanilang serbisyo kabilang ang mas mabilis na pagkuha ng NBI clearance sa pamamagitan ng Online transaction.
Sa pamamagitan nito, mababawasan na ang proseso dahil ang pagkuha na lamang ng biometrics at solo photo ang gagawin sa kanilang tanggapan bago makuha ang clearance.
Maliban dito ay bubuksan rin nila ang ilang NBI Clearance Satellite Office sa bayan ng Roxas at dito sa lungsod ng Cauayan.
Dagdag pa rito, nasasala rin ng maayos ang mga Clearance Requester dahil system generated na ang kanilang data base.
Dahil dito ay nadadakip din ang mga indibidwal na may nakabinbing kaso bagamat minimal lang naman umano ang mga ganitong tagpo.