
NUEVA VIZCAYA – Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na naidlip ang tsuper ng closed van na sumalpok sa nakaparadang 10-wheeler truck sa Magsaysay, Bayombong na ikinasawi ng isa at ikinasugat ng dalawang tao.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PMaj. Jesus Ventura, hepe ng Bayombong Police Station na ang sinalpok na 10-wheeler truck ay minaneho ni Jerwin Lopez, apatnapu’t isang taong gulang at residente ng Sinamar, Roxas, Isabela.
Ang closed van ay minaneho ni Erwin Sanchez, tatlumpu’t isang taong gulang kasama ang dalawang helper na sina Amadeo Rios, dalawampu’t apat na taong gulang, kapwa residente ng Tiaong, Quezon at Leo Pagaduan, dalawampu’t walong taong gulang na residente ng Balagtas, Bulacan.
Aksidenteng bumangga ang closed van sa likod ng nakaparadang trailer truck at dahil sa lakas ng impact ay naitulak ng sampong metro at nailipat sa kabilang kalsada ang truck.
Dead on arrival sa pagamutan si Pagaduan habang nasugatan sina Rios at Sanchez.
Ayon kay PMaj. Ventura, nakaidlip ang driver ng close van kaya sumalpok ito sa likurang bahagi ng trailer truck.










