
CAUAYAN CITY – Itinuturong dahilan ng Cauayan District Hospital ang pagluluwag ng COVID-19 Restrictions kaya mababa ang mga nagpapa-booster sa lunsod.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, Inihayag ni Dr. Rhoda Jaqueline Gaffud, Chief of Hospital ng Cauayan District Hospital na hindi niya alam kung matutuwa o hindi dahil sa pagluluwag ng mga restriction sa COVID-19, na dahilan ng mababang bilang ng mga nagpapabooster.
Batay sa talaan ng City Health Office o CHO, mababa ang mga naitatalang datos sa mga nagpapa-booster.
Aniya, Malaking tulong ang mga bakuna kontra COVID-19 kaya kakaunti na ang mga naitatalang kaso sa lunsod.
Mas makakabuti aniya kung ang lahat ay magpabakuna dahil ang bisa ng mga naunang 1st at 2nd dose ay may hangganan.
Tumatagal lang sa apat hanggang anim na buwan ang bisa ng bawat bakuna.
Sinabi niya na nawawala na ang interest ng mga tao na magpa-booster dahil sa pagluluwag na ng mga health protocols at hindi na sinisita ang mga tao na hindi nagsusuot ng facemask at pagdadala ng vaccination card sa iba’t ibang establisyemento sa lunsod.
Ang kawalan na rin ng mga nagpapacheck-up ng mga may sintomas ng COVID-19 ang nakikitang dahilan ng pagbaba ng mga bilang ng mga datos hindi lang sa lunsod maging sa buong lalawigan.
Sa katunayan ay may mga RT-PCR Testing Centers na rin sa Metro Manila ang tuluyan ng nagsara dahil wala namang nadadala sa kanila na mga specimen para masuri.
Ayon kay Dr. Gaffud, Nakakabahala pa rin ang mga ganitong sitwasyon dahil kahit malaya ang mga tao na makapunta sa mga nais nilang puntahan ay hindi matukoy kung sino sa mga nakakasalamuha nila ang may dala ng virus.
Hinikayat ni Dr. Gaffud ang lahat ng mamamayan na magsuot pa rin ng facemask sa mga matataong lugar at palaging maghugas ng kamay higit sa lahat ay magpabakuna ng booster shot ang mga nabakunahan na ng primary vaccines para maiwasang mahawa o makahawa sa COVID-19.
Sa ngayon ay wala namang kumpirmadong kaso sa Cauayan District Hospital pero may mga suspect cases na kanilang sinusubaybayan.










