CAUAYAN CITY – Inaresto at nakakulong na ang isang 72 anyos na senior citizen sa Mapayao, Kayapa, Nueva Vizcaya matapos umanong gahasain ang 12 anyos na bata.
Ang biktima ay grade 7 student habang ang akusado ay 72 anyos na residente ng Kayapa, Nueva Vizcaya.
Nagtungo sa Kayapa Police Station ang biktima at kanyang nanay upang i-report ang pangmomolestiya sa bata.
Lumabas sa imbestigasyon ng Kayapa Police Station na dakong alas otso ng gabi nang sapilitang yayain ng matanda ang biktima na magtungo sa kaniyang inuupahang bahay kung saan nito isinakatuparan ang pangmomolestiya at pinagbantaan niyang papatayin.
Nang makauwi ay nagsumbong ang bata sa kanyang tiyahin na kanyang guardian.
Ipinabatid ng tiyahin sa mga magulang ng bata ang nangyari sa kanya kaya nagsumbong ang kanyang nanay sa himpilan ng pulisya laban sa suspek.
Agad gumawa ng aksiyon ang mga pulis at inaresto ang suspek na nasa pangangalaga na ng mga awtoridad at tuluyan nang sinampahan ng kaso.