--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasugatan ang 23 tao matapos na tumagilid ang sinasakyan nilang pampasaherong bus sa National Highway na bahagi ng Nagsabaran, Diadi, Nueva Vizcaya.

Ang bus ay minaneho ni Jun Asio, 49-anyos, may-asawa at residente ng Salinas, Bambang, Nueva Vizcaya.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Diadi Police Station, patungong timog na direksyon ang bus at paakyat sa matarik na bahagi ng daan.

Sinusundan nito isang trailer truck at ayon umano sa driver ng bus, hindi nakaakyat ang bus sa kalsada dahil biglang tumigil ang trailer truck sa kanyang unahan dahilan kaya biglang umatras ang bus at tumagilid pakaliwa.

--Ads--

Nasugatan ang 23 pasahero ng bus na agad namang naitakbo sa iba’t ibang pagamutan.

Karamihan sa mga pasahero ay nagtamo ng minor injuries ngunit may isang nagkaroon ng malalang sugat.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya sa pangyayari habang nasa pangangalaga na ng Diadi Police Station ang tsuper na mahaharap sa reklamong multiple physical injury and damage to property.