CAUAYAN CITY – Natagpuang palutang lutang sa ilog Cagayan ang walang buhay na katawan ng isang lalaki sa Annafunan, Echague, Isabela.
Nakilala ang lalaki na si Emilio Binarao, 61-anyos, may asawa, magsasaka at residente ng Carolay, Echague Isabela.
Batay sa pagsisiyasat ng pulisya nagtungo sa ilog ang isang ginang sa katauhan ni Marilyn Ruano, 48-anyos, may asawa at residente ng Annafunan, Echague, Isabela para maglaba nang makita niya ang palutang-lutang na katawan ng lalaki.
Batay sa pahayag ng anak ng biktima na si Carlo Binarao pinigilan niya ang kanyang ama na magtungo sa isang kasalan sa Dugayong, Echague, Isabela dahil naka-inom na ng alak subalit nagpumilit ang biktima na magpunta at hindi na nakauwi.
Ang labi ng biktima ay nasa punerarya habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya.










