CAUAYAN CITY – Binawian ng buhay ang isa sa dalawang estudyante na nabangga ng pampasaherong jeep sa pambansang lansangan na bahagi ng Sta. Rita, Aurora, Isabela.
Ang nasawi ay Shinrence Estanislao, 16-anyos at residente ng nabanggit na barangay.
Nasugatan naman ang kasama nito na si Roxanne Maffi Acoba, 15-anyos at residente ng San Andres, Aurora, Isabela.
Ang tsuper ng pampasaherong jeep ay si Daniel Comesario, 67-anyos, at residente ng Sta. Rita, Aurora, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, patungong hilagang direksyon ang jeep subalit naipit ito sa trapiko nang makarating sa Brgy. Sta. Rita.
Upang makaiwas sa traffic ay lumiko pakaliwa ang jeep at dito na nabangga ang dalawang estudyante na naglalakad sa gilid ng kalsada.
Sa lakas ng pagbangga ay nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang dalawang dalagita at agad namang naisugod sa pagamutan ng mga tumugong rescuer.
Dinala naman si Comesario sa Aurora Police Station para sa imbestigasyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Giean Baguilat at Aira Jyn Colobong, nag-upload ng video ng aksidente sinabi nilang malubha ang tinamong sugat ng mga biktima.
Ayon sa kanila, tumama ang mga biktima sa harapan ng jeep bago nagulungan si Shinrence.
Naging mabilis naman ang pagtugon ng mga rescuer at mayroon naman umanong malay ang dalawa bago sila itinakbo sa pagamutan.
Dinala ang dalawang biktima sa isang pribadong pagamutan sa Cauayan City ngunit binawian ng buhay si Shinrence habang nasa maayos ng kalagayan si Roxanne.
Tinig nina Giean Baguilat at Aira Jyn Colobong.