
CAUAYAN CITY – Nagpasaklolo na sa pamahalaan ang ilang mga magsasaka na nagtatanim ng pinya dahil sa mababang presyo at maraming suplay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Felipe Nilo Guyod ng bayan ng San Guillermo, sinabi niya na nagpasaklolo sa lokal na pamahalaan ang nasabing mga magsasaka dahil sa napakababang presyo at nabibili na sa 249 pesos ang pitong kilo ng pinya.
Aniya naglalaro na sa 10 pesos, 15 pesos at 22 pesos ang presyo ng per kilo ng pinya ngayon sa San Guillermo dipende sa size o laki na kung tutuusin ay bagsak presyo na kung ikumpara sa nagdaang presyo na nasa 35 pesos.
Inihayag ng mga magsasaka na kakaunti ang nagtutungong buyer kaya nahihinog at nasisira na ang kanilang aning pinya kaya pinapakain na lamang sa kalabaw at kabayo ang iba.
Bilang tulong sa mga magsasaka ay may ibinigay ang DOLE noong buwan ng Hunyo na Pineapple processing facilty para sa dried pineapple at dried mango para hindi masira ang mga ani ng mga magsasaka.
Ayon sa mga magsasaka hindi na rin kayang maaccommodate ng pineapple processing facility dahil sa dami ng suplay kaya humihingi sila ng tulong upang maibenta ang mga hindi maiprosesong pinya.
Nanawagan din ang mga magsasaka sa mga pineapple buyers na nais bumili ng kanilang produkto na nagmumula na lamang sa Urdaneta City.
Ayon kay Mayor Guyod napakarami ang suplay ng pinya ngayon dahil maging sa ibang lugar tulad sa Maynila ay marami na rin ang suplay.
Inihayag naman niya na may mga hinihikayat na siyang mga negosyante na magtutungo sa kanilang bayan para bumili ng kanilang produktong pinya.










