--Ads--

CAUAYAN CITY – Inihayag ng Department of Tourism o DOT Region 2 na balak nilang ifeature ang ilang tourist destination sa lambak ng Cagayan sa Philippine Experience 2024.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Troy Alexander Miano, Regional Director ng DOT Region 2, sinabi niya na napakaraming tourist destination sa ikalawang rehiyon na tunay na maipagmamalaki.

Sa susunod na taon ay may isasagawa ang DOT na Philippine Experience o ang pagpapakita ng mga magagandang pook pasyalan sa ibat ibang lugar sa bansa.

Dito ay balak ng DOT Region 2 na mai-feature ang ganda ng Lambak ng Cagayan pangunahin na ang Batanes.

--Ads--

Aniya halos lahat ng mga tourist destination sa bansa ay mayroon ang Lambak ng Cagayan tulad na lamang ng mga bulkan, beach, waterfalls at iba pa na pinupuntahan ng maraming turista.

Hinikayat din ni Dr. Miano ang mga mamamayan sa rehiyon na unahing puntahan ang mga magagandang lugar sa region 2 bago magtungo sa ibang lugar dahil may mga kahalintulad naman ang mga nasabing pook pasyalan sa lambak ng Cagayan.

Aniya ang kailangan lamang sa mga tourist destinations sa Region 2 ay pagyamanin ang mga ito, mapaganda at mabuksan sa publiko.