--Ads--

CAUAYAN CITY – Nadakip ang isang mataas na opisyal ng Komiteng Probinsya o KOMPROB Isabela na wanted sa kasong multiple murder matapos ang isinagawang operasyon ng pinagsanib puwersa ng 86th Infantry Battalion, Philippine Army, Philippine National Police o PNP, at ng National Intelligence Coordinating Agency o NICA sa Villa Pascua, Diffun, Quirino.

Kinilala ang dating myembro ng rebeldeng New People’s Army o NPA na si Romeo Cudal, animnaput anim na taong gulang at nakatira sa naturang lugar.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Maj. Rigor Pamittan, hepe ng Division Public Affairs Office o DPAO ng 5th Infantry Division Phil. Army sinabi niya na dinakip ang dating rebelde sa bisa ng mandamiento de aresto sa kasong multiple murder.

Taong 1980 pa miyembro ng armadong grupo si Cudal na dati ring secretary ng Central Front Committee ng Komiteng Rehiyon Cagayan Valley.

--Ads--

Nabuwag ito at naging secretary naman siya ng Sangay ng Partido sa Platun o SPP – Gani, Central Front, Komiteng Rehiyon-Hilagang Silangang Luzon na kalaunan ay nabuwag din kaya siya ay naging training officer ng Regional Centro de Gravidad at 2022 nang siya ay maging Agrarian Revolution Officer ng Komprob Isabela.

Samantala nagbalik loob o sumuko naman ang isa ring dating myembro ng NPA sa bahagi ng Cordillera na si Ka Ampo o Lipat na dating commanding officer ng KLG Baggas kasama ang dalawamput siyam na matataas na kalibre ng baril.

Naipresenta ang nasabing mga baril sa Peace and Order Council Meeting na dinaluhan ni Department of National Defense o DND Secretary Gilbert Teodoro.

Sa ngayon ay inaayos na ang mga dokumento nito kaugnay sa kanyang matatanggap na benepisyo maging ang pakikipag ugnayan sa mga sundalo para sa paghikayat sa mga dati niyang kasamahan sa Ilocos-Cordillera Regional Committee na bumaba at sumuko na rin sa pamahalaan upang mabuwag na ang komunistang grupo.

Tiniyak ni Maj. Pamittan ang Patuloy na serbisyo ng 5th ID sa mga mamamayan katuwang ang ibang miyembrong ahensya ng Regional Task Force ELCAC o National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.

Aniya patuloy ang kanilang pagsasagawa ng serbisyo caravan upang mailapit sa mga komunidad na nasa liblib na lugar ang serbisyo publiko at hindi na sila malinlang ng makakaliwang grupo.