
CAUAYAN CITY – Pansamantalang naantala ang chartered flight sa Lal-lo o Cagayan North International Airport dahil sa mga ginagawang maintenance sa paliparan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Julio Maribbay Hepe ng Lal-lo Airport Police Station sinabi niya na sa kasalukuyan ay may dalawang flight na kinabibilangan ng isang domestic at isang international flight.
Madalas na lulan ng international flights ay mga chinese na mula sa Macau na nagbabakasyon sa naturang lugar habang may mangilan-ngilan na ring Americano ang bumababa sa Lal-lo na mula rin sa Macau, habang may mga local tourist rin naman ang mula sa Maynila ang dumadayo na rin sa Lal-lo.
Aniya napakagandang progreso ang pagkakaroon ngayon ng International Airport sa Lal-lo dahil mas nabibigyan na ng pagkakataon ang naturang bayan na dayuhin ng turista dahil sa magagandang tanawin at beach.
Nagpaalala naman siya sa mga turista na dumating sa paliparan o sa boarding area tatlumpung minuto bago ang kanilang flight para mapabilis ang proseso at hindi magkaroon ng problema, at iwasan din ang pagdadala ng kontrabando na ipinagbabawal sa paliparan.
Hinikayat naman niya ang lahat na suportahan ang pagbubukas ng Cagayan North International airport.










