--Ads--

CAUAYAN CITY – Natagpuang wala nang buhay at may mga tama ng saksak ang isang tricycle driver na residente ng Santiago City sa Barangay Osmeña, Cordon, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Pmaj. Fernando Mallillin, Hepe ng Cordon Police Station sinabi niya na sa tulong ng social media ay nakilala ang biktima na  si Roberto Dela Cruz, limampu’t limang taong gulang, at residente ng Plaridel, Santiago City.

Batay sa mga inisyal na impormasyon at kuha ng CCTV camera ng isang gasolinahan na kanilang nakuha ay may sakay na dalawang pasaherong babae si Dela Cruz na nang-arkila umano sa tricycle dakong alas-kuwatro ng madaling araw kahapon at nagpahatid sa Cordon, Isabela.

Hindi nila isinasantabi ang anggulo ng pagnanakaw dahil nawawala ang lahat ng mga gamit ng biktima gayundin ang minamanehong tricycle.

--Ads--

Posibleng kasabwat ang dalawang pasahero at may mga kasamahan na nag-abang sa biktima bago ginawa ang krimen.

May mga lead na rin silang tinitingnan at nakikipag-ugnayan sila sa lahat ng himpilan ng pulisya sa Lunsod ng Santiago upang makakuha ng impormasyon sa mga pinaghihinalaan.

Pinapayuhan nila ngayon ang mga namamasadang tricycle lalo na sa gabi na makipag-ugnayan o mag-ulat sa himpilan ng pulisya o outpost kung sila ay hindi tiwala o kampante sa ihahatid nilang pasahero sa ibang lugar o ibang bayan.

Maaari rin nilang kunan ng litrato ang kanilang pasahero upang agad na mamonitor para na rin sa kanilang kaligtasan.

Nanawagan din siya sa gumawa ng krimen na sumuko at harapin ang kaniyang nagawa dahil hindi siya makakapagtago sa kamay ng batas.

Samantala, hustisya ang sigaw ng Pamilya ng biktima sa karumal dumal na sinapit nito.

Sa exclusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Puring Dela Cruz, sinabi niya na nagtungo sila mismo sa Cordon Police Station upang kumpirmahin ang pagkakakilanlan ng kanilang ama matapos na ipakita sa kanila ang ilang kuhang larawan.

Aniya labis ang kanilang panlulumo sa sinapit ng kanilang ama na mistulang hayop na lamang na iniwan na nakahandusay sa kalsada na tadtad ng saksak.

Panawagan nila ngayon ay matulungan sila na makamit ang hustisya sa pagpatay sa kanilang ama at upang matukoy na rin kung sino ang tumangay sa kanilang tricycle na may body number na 6532.