--Ads--

CAUAYAN CITY – Umabot sa tatlong laptop at labing apat na tablet ang natangay ng apat na menor de edad sa isang eskwelahan sa bayan ng Villaverde.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Novalyn Agassid, ang Chief of Police ng Villaverde Police Station, sinabi niya na dahil wala nang pasok sa paaralan ay palihim na pumasok ang apat na pinaghihinalaang menor de edad ng gabi ng ikalabing walo ng Hulyo at sapilitang sinira ang lock ng computer laboratory at natangay mga laptop at tablet na nagkakahalaga ng halos tatlong daang libong piso.

Nadakip naman ang mga pinaghihinalaan na nakapag iwan ng mga ebidensya sa crime scene dahil sa dugo sa yero.

Dahil dito ay nakipag ugnayan sila sa MDRRMO kung may nirespondehang may sugat sa katawan na kanilang sinabi na may isang binatilyo silang nirespondehan kinaumagahan.

--Ads--

Nang ito ay dalhin sa pulisya ay kanyang isinawalat kung sino ang kaniyang mga kasama sa panloloob.

Pinakamatanda ang isang labing walong taong gulang, dalawang labimpitong taong gulang at isang labing apat na taong gulang na pawang mga lalaki ang nanloob sa eskwelahan.

Ayon kay PMaj. Aggasid nahirapan ang mga pinaghihinalaan sa pagbenta sa mga natangay nilang laptop at tablet dahil sa logo ng Deped sa mga ito.

Aniya lasing ang mga pinaghihinalaan nang isagawa ang krimen at maaring ang pinakamatanda sa kanilang ang nag udyok sa mga kasama nito na pasukin ang paaralan dahil nitong nakaraang linggo lamang ay mismong tiyuhin nito ang kanyang ninakawan.

Aniya ang cashiers office ang unang sinubukang pasukin ng mga pinaghihinalaan ngunit walang nakuhang pera kaya pinasok ang computer lab.

May CCTV naman aniya sa lugar ngunit hindi na ito gumagana at may guwardya ring nagbabantay sa lugar ngunit maaring isinagawa ng mga pinaghihinalaan ang panloloob nang ito ay nasa ibang lugar na nagpapatrolya.

Ang tatlo sa mga pinaghihinalaan ay mahaharap sa kasong robbery habang ang labing apat na taong gulang ay irerefer sa DSWD at sa Brgy. para sa monitoring.