
CAUAYAN CITY – Naglaan ng isandaang libong pabuya ang panglunsod na konseho ng Santiago City sa makapagbibigay ng impormasyon sa pagkakatunton sa mga suspek sa pagpatay sa isang tsuper ng tricycle sa nasabing bayan.
Ang biktima ay si Roberto Dela Cruz, limampu’t limang taong gulang at residente ng Plaridel, Santiago City.
Una nang natunton ng pulisya ang tricycle ng biktima sa Maddela, Quirino.
Batay sa Maddela Police station narekober ang abandonadong tricycle sa Divisoria Maddela Quirino na kanilang nakumpirma na pag mamay-ari ni Dela Cruz.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Fernando Mallillin, Hepe ng Cordon Police Station sinabi niya na nakipag ugnayan sa kanilang himpilan si City Councilor Arlene Reyes at sinabing magbibigay ng pabuyang isandaang libong piso sa makapagtuturo sa pagkakakilanlan ng mga suspek sa pagpatay.
Aniya malaking tulong sa kanila ito upang mas mapadali o mapaaga ang pagkakalutas ng kaso.
Patuloy ang pangangalap nila ng CCTV Footages upang matukoy ang mga pinaghihinalaan.
Malabo aniya ang ilan sa mga nakuha nilang footages at kailangan pa itong ienhance upang makita ang mukha ng mga pinaghihinalaan na nakasuoot din ng facemask.
Pinaalalahanan naman ni PMaj. Mallillin ang mga magtuturo sa mga pinaghihinalaan na tiyaking ang tunay na mga suspek ang maituturo dahil iba-validate din ito ng pulisya.
Nanawagan naman siya sa publiko kung sino man ang may alam o impormasyon sa pangyayari na makipag ugnayan sa kanilang himpilan para sa agarang paglutas sa nasabing kaso.










