--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang babae matapos bumangga ang minaneho nitong motorsiklo sa sinusundang truck sa Bypass Road na bahagi ng Brgy. Ambalatungan, Santiago City.

Ang nasawi ay ang tsuper ng Honda Click na si Susan Puddog, tatlumput walong taong gulang, may-asawa, may trabaho at residente ng Brgy. Communal, Solano, Nueva Vizcaya.

Ang tsuper naman ng double decker delivery truck ay si Jaypee De Castro, tatlumput limang taong gulang, may asawa at residente ng Dagupan City, Pangasinan.

Parehong patungo sa direksyon ng Brgy. Rizal ang dalawang sasakyan at nasa inner lane umano ang truck na may kargang mga motorsiklo habang nasa outer lane naman ang motorsiklo.

--Ads--

Base sa imbestigasyon ng Traffic Enforcement Unit ng Santiago City Police Office umiwas umano ang truck sa ginagawang bahagi ng kalsada dahilan kaya ito nalipat sa outer lane kung nasaan ang motorsiklo.

Nang makalipat na ang truck ay dito na umano sumalpok ang motorsiklo sa likurang gulong ng sasakyan dahilan kaya ito natumba sa sementadong kalsada.

Sa lakas nang pagbagsak ay nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima at nabitak din ang suot nitong helmet.

Nagawa pa siyang irevive ng mga rumespondeng rescuers subalit namatay din siya pagkatapos ng ilang sandali.

Dinala naman sa himpilan ng pulisya ang tsuper ng truck kung saan siya ay nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Property.