
CAUAYAN CITY – Nanumpa na kahapon si PLt. CoL. Ernesto Nebalasca Jr. bilang bagong Chief of Police ng Cauayan City Police Station.
Pinalitan niya si PLt. Col. Sherwin Cuntapay na nanungkulan bilang hepe ng Cauayan City Police Station sa loob ng dalawang taon at dalawampu’t isang araw.
Ang turnover ceremony ay pinangunahan ni PCol. Julio Go ang Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office.
Sinaksihan din ng ilang matataas na opisyal ng pamahalaang lungsod ang seremonya at maging ang mga namumuno sa Bureau of Fire Protection o BFP Cauayan at Isabela Mobile Force Company.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. CoL. Ernesto Nebalasca Jr, sinabi niyang matinding kaba ang kanyang nararamdaman dahil ito ang unang pagkakataon na hahawak siya ng isang himpilan ng pulisya.
Aniya malaking responsibilidad ang kanyang kakaharapin dahil hahawakan niya ang lungsod ng Cauayan bilang isang drug cleared city.3
Inihayag naman ni PLt. Col. Sherwin Cuntapay ang kanyang pasasalamat sa lahat ng sumuporta sa kanya sa loob ng mahigit dalawang taon.
Aniya naging malaki ang papel ng mga residente sa pagtulong sa kanila upang malinis ang lunsod ng Cauayan sa iligal na droga.
Manunungkulan bilang Deputy Provincial Director for Operations ng Isabela Police Provincial Office o IPPO si PLt. Col. Cuntapay na dating puwesto ni PLt. Col. Ernesto Nebalasca Jr.
Ipinahayag naman ni Cauayan City Mayor Jaycee Dy, ang kanyang pasasalamat kay PLt. Col. Cuntapay at pag suporta kay PLt. Col. Nebalasca.










