--Ads--

CAUAYAN CITY – Natagpuan na ng mga rescuer ang pitong nawawalang tripulante ng isang distressed tugboat sa paligid ng karagatan ng Cagayan.

Sinabi ng Office of Civil Defense o OCD Region 2 na natagpuan silang ligtas noong Sabado ng umaga, at binabantayan ng mga awtoridad ang kanilang kalagayan.

Ang Philippine Coast Guard o PCG noong Miyerkules ay nagpadala ng apat sa mga tauhan nito upang iligtas ang pitong tripulante ng M/Tug Iroquois sa 21 nautical miles mula sa Aparri ngunit maging sila ay nawala matapos tumaob ang kanilang bangka.

Samantala, natagpuan na ang Aluminum Boat na ginamit ng apat na nawawalang recuers ng PCG sa katubigang bahagi ng Fuga, Aparri, Cagayan kahapon ika-30 ng Hulyo.

--Ads--

Ang naturang Aluminum Boat ay ang ginamit ng PCG rescuers upang magsagawa ng Rescue Operations sa natangay at nabahurang MTUG IROQUIS sa bukana ng Cagayan river sa Aparri, Cagayan noong kasagsagan ng Bagyong Egay.

Habang naglalayag ang MV EAGLE FERRY sa karagatan ng Cagayan patungo sa isla ng Calayan, ang AB-056 ay namataan ng kapitan ng barko na palutang-lutang halos pitong milya mula sa Isla ng Calayan.

Agad naman itong hinila ng crew ng naturang barko at ipinasakamay sa mga tauhan ng Coast Guard Station Calayan.

Samantala, patuloy ang Search and Rescue operations ng mga tauhan ng PCG katuwang ang iba’t-ibang sangay ng pamahalaan upang matagpuan ang mga nawawalang PCG rescuers sa lalong madaling panahon.

Inihayag ni OCD Information Officer Michael Conag na kasalukuyan na ang SAR operations para sa mga nawawalang PCG personnel.

Maliban pa ito sa isinasagawang aerial search sa mga Island Municipalities sa pag-asang matagpuan o malocate na ang mga nawawalang rescuers.