
CAUAYAN CITY – Nababahala ngayon ang ilang mamamayan dahil sa naitatalang nakawan sa ilang barangay.
Una rito ay pinasok ng mga kawatan ang isang tindahan sa Barangay Guayabal at ninakaw ang kanilang mga paninda at pera na napagbentahan.
Bukod dito ay may mga naitala rin umanong nakawan ng alagang Manok, at panloloob sa bahay at tindahan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Mary Jane Baccay, may-ari ng tindahan, sinabi niya na maaaring nangyari ang pagnanakaw sa kanilang tindahan ng madaling araw.
Aniya, dumaan ang kawatan sa maliit na bintana sa kanilang tindahan at kinuha ang mga branded na alak, branded na sigarilyo at mga pera.
Buti na lang ay naitabi nila ang ilan sa kanilang pera kaya kahit paano ay may natira sa kanila.
Dagdag pa nito pinasok na rin ng mga kawatan ang ilang mga barangay malapit sa kanila tulad ng Brgy. Sta. Luciana at Brgy. Culalabat.
Hinala nila na bawat barangay ay may contact ang mga magnanakaw at maaring sila ay grupo dahil hindi kayang gawin ng iisa lamang ang mga naturang pagnanakaw.










