--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasugatan ang labimpitong tao matapos na mabangga ng isang pampasaherong jeep ang isang van at mahulog sa Batu Ferry Bridge sa Barangay Sto. Domingo, Bambang, Nueva Vizcaya.

Ang tsuper ng Van ay si Elmer Pimentel Fabian, animnapu’t apat na taong gulang at residente ng Paitan, Bayombong, Nueva Vizvaya habang ang pampasaherong jeep ay minaneho ni Ambrocio Ramel Jr., limampu’t walong taong gulang, at residente ng Darapidap, Aritao, Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCpt. Manny Paul Pawid, tagapagsalita ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office o NVPPO na patungo sa Timog na direksyon ang van habang ang jeep ay patungo sa hilagang direksyon.

Pagdating sa pinangyarihan ng aksidente ay nagslow down ang tsuper ng van at nagflasher ng pakaliwa habang ang jeep ay nag-overtake sa sinusundang sasakyan dahilan para mabangga ang van at nagtuluy-tuloy hanggang sa mabangga ang barikada sa daan at mahulog sa bangin na nasa lima hanggang anim na metro at nahagip din ang likod ng isang bahay.

--Ads--

Ayon kay PCAPT. Pawid, may labing anim na pasahero ang jeep na dinala sa Region II Trauma and Medical Center o R2TMC gayundin ang tsuper nito na si Ramel habang maayos naman ang kalagayan ng tsuper ng van.

Sa labing anim aniya na pasahero ng jeep ay dalawa ang nagtamo ng fractured sa katawan.

Aniya, accident prone area ang pinangyarihan ng aksidente dahil pababa at paliko ang naturang bahagi ng daan.

Payo ng pulisya sa lahat ng tsuper na laging mag-ingat sa pagmamaneho at kung nakainom ng alak ay iwasan ng magmaneho para makaiwas sa aksidente.