
CAUAYAN CITY – Binawian na ng buhay ang lalaking naging biktima ng pambubugbog at pinukpok pa ng bato sa ulo sa barangay Alicaocao noong araw ng Biyernes.
Ang nasawi ay si Rogelio Calata, apatnapu’t walong taong gulang at residente ng nabanggit na barangay.
Habang ang itinuturo namang salarin ay ang mag-aama na sina Pio Leplana, animnapung taong gulang, Alex Leplana, dalawampu’t pitong taong gulang at Roderick Leplana.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lyrish Ann Calata, anak ng biktima sinabi niyang desidido na silang kasuhan ang mag-aama na nasa likod ng pangyayari.
Aniya matagal na ring may alitan ang kanilang pamilya at ang pamilya ng mga suspek kaya posibleng sinadya din ang pangyayari.
Wala namang malinaw na dahilan ang matagal nang hindi pagkakaintindihan, ngunit ayon sa barangay ay dati namang magka ayos ang dalawang pamilya.
Samantala sa ngayon ay nakaalerto na ang mga opisyal ng Brgy. Alicaocao upang bigyan ng seguridad ang burol ng nasawi upang maiwasan ang tensyon dahil mag kapitbahay lamang ang dalawang panig.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang mga pinaghihinalaan na mahaharap sa kasong homicide at multiple attempted Homicide.
Samantala nasa maayos ng kalagayan at nakalabas na rin ng pagamutan ang isa pang biktima na sina Henry Calata tatlumput siyam na taong gulang, may asawa, at Raymundo Calata Jr. Apatnaput isang taong gulang.










