--Ads--

CAUAYAN CITY – Tuloy-tuloy ang ginagawang clearing operation ng 77th Infantry Battalion sa Barangay Buneg, Lacub Abra kasunod ng engkwentro na ikinasawi ng isang New People’s Army.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Army Major Rigor Pamittan ang Division Public Affrairs Office Chief ng 5th Infantry Division Philippine Army sinabi niya na una silang nakatanggap ng impormasyon mula sa concerned citizen kaugnay sa pagkilos ng limang miyembro ng KLG North Abra sa lugar na agad nilang binerepika.

Napag-alaman na ang nasawing NPA ay kabilang sa iilan na lamang na miyembro ng KLG Abra na kanilang tinutugis sa bahagi ng Apayao, Kalinga at Abra.

Labis ang pasasalamat ngayon ni Army Major Pamittan sa walang sawang suporta ng publiko na nagiging daan para matugis at matunton ang nalalabing miyembro ng rebeldeng grupo.

--Ads--

Matatandaan na isang miyembro ng Kilusang Larangang Gerilya o KLG North Abra ang nasawi matapos ang sagupaan sa pagitan ng 77th Infantry Battalion ng 501st Infantry Brigade at Kumunistang grupo sa bulubunduking bahagi ng Brgy. Buneg, Lacub.

Batay sa inisyal impormasyon, nagsasagawa ng combat operation ang isang Platoon ng Alpha Company ng 77IB sa nabanggit na lugar nang makasagupa ang nasa limang kasapi ng NPA.

Tumagal sa limang minuto ang palitan ng putok bago tumakas ang mga teroristang grupo at nasamsam sa pinangyarihan ng labanan ang isang M16 rifle at inaalam pa ang pagkakakilanlan ng napatay na NPA.

Kasalukuyan ang clearing operations ng 17IB sa pinangyarihan ng sagupaan at inalerto na rin ang mga kalapit na unit ng 5th Infantry Division para magsagawa ng blocking position sa maaring pinagtaguan ng mga teroristang CPP-NPA.

Nakipag ugnayan na rin ang mga sundalo sa hanay ng pulisya para maglatag ng checkpoints.

Patuloy naman ang panawagan ng 5ID sa mga tumakas na rebelde na bitawan na ang kanilng armas at talikuran na ang armadong pakikibaka para tamasahin ang mga benepisyong naghihintay sa kanila sa ilalim ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC.