CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang Ginang matapos tagain sa leeg ng kanyang sariling asawa sa Sitio Nabuyukan, Brgy. Gangalan, San Mariano, Isabela.
Ang biktima ay si Lourdes Languido, 51-anyos habang ang suspek ay si Rolimo Languido, 52-anyos, magsasaka at mga residente ng nabanggit na lugar.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Julius Telan, Deputy Chief of Police ng San Mariano Police Station, sinabi niya na tinaga ng suspek ang kanyang asawa sa leeg gamit ang bolo na naging dahilan ng pagkasawi nito.
Aniya, nasa impluwensya ng alak ang mag-asawa nang mangyari ang krimen at ayon sa mga kapitbahay ng dalawa ay hindi na bago sa kanila ang pag-aaway ng dalawa tuwing nakainom.
Ayon kay PCapt. Telan, nang makauwi ang kanilang anak galing sa trabaho ay sinabihan umano siya ng kanyang ama na umalis na sila sa lugar dahil patay na ang kanyang ina.
Nang makita ng kanyang anak ang sinapit ng kanyang ina ay nagtawag ito ng opisyal ng barangay at sila na mismo ang nagdala sa suspek sa himpilan ng pulisya.