
CAUAYAN CITY – Mas pinipiling manatili ng ilang OFW sa nasabing bansa sa kabila ng voluntary repatriation na inirekomenda ng Department of Foreign Affairs o DFA.
Ito ay matapos isailalim na sa alert level 3 ang Lebanon dahil sa tumitinding sagupaan sa border ng nasabing bansa at ng Israel.
Inihayag ni Bombo International News Correspondent Mae Romagos mula sa Lebanon, na una nang lumikas mula sa southern border ng bansa, wala umano siyang balak na umuwi sa Pilipinas.
Sinabi niya na kung siya ay uuwi sa Pilipinas ay poproblemahin niya rin ang magiging buhay nila ng kanyang pamilya dahil mawawalan siya ng trabaho.
Wala naman aniyang ground invasion kundi palitan lamang ng pinapalipad na rockets at problema lamang ng Hezbollah ay walang iron dome na didipensa sa mga ipinapalipad na rockets ng Israel.
Kasalukuyan siyang nasa Beirut at wala namang nangyayaring kaguluhan kaya mas pinipili niyang manatili doon at maghanapbuhay.
Magiging bigilante na lamang umano siya at laging magmonitor upang makaiwas sa mga kaguluhan at agad na makalikas kung kailangan.










