--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang lalaki habang dalawa naman ang nasugatan sa banggaan ng dalawang motorsiklo sa Barangay Rizal.

Ang nasawi ay ang tsuper ng Honda XRM na si Bertito Calacien, 57-anyos at residente ng Daburab, Cauayan City habang nasugatan naman ang mga sakay ng Rusi Royal na sina Leo Macadangdang, 33-anyos, may asawa at ang angkas nito na isang binatilyo na 12-anyos at kapwa residente ng Rizal, Cauayan City.  

Batay sa pagsisiyasat ng pulisya, binabagtas ng motorsiklo na minamaneho ni Calacien ang daan na bahagi ng Rizal, Cauayan City patungong Poblacion habang patungo naman sa kasalungat na direksyon ang motorsiklo na minamaneho ni Macadangdang.  

Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay napunta sa kabilang linya ang motorsiklo ni Calacien dahilan upang sumalpok sa paparating na motorsiklo.

--Ads--

Nagtamo ng malalang sugat sa ulo si Calacien habang nagtamo rin ng malalang sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Macadangdang at ang angkas nito na dinala sa pagamutan ng mga rumespondeng miyembro ng Rescue 922.

Binawian ng buhay sa pagamutan si Calacien habang nilalapatan ng lunas habang nasa maayos nang kalagayan ang dalawa pang sangkot sa aksidente.

Ang mga sangkot sa insidente ay pawang hindi nakasuot ng helmet.

Inihahanda na ng pulisya ang kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and damage to property laban kay Macadangdang.