CAUAYAN CITY – Nakakaramdam na ng takot ang ilang Pinoy sa Haifa City sa Israel dahil sa pag-atake ng Iran sa pamamagitan ng pagpapalipad ng missiles.
Sinabi ni Bombo International News Correspondent Ricky Carreon, isang caregiver sa Haifa City, Israel na matapos mapag-alaman na nagpalipad ang Iran ng mga drone sa Israel ay inabisuhan sila ng pamahalaan na kailangan muna nilang magtago sa bomb shelter.
Dahil dito noong gabi ng Sabado ay nagpalipas sila ng gabi sa bomb shelter.
Aniya, nakaramdam sila ng panic dahil inabangan nila ang pinalipad ng Iran na mga missiles.
Nagpapasalamat na lamang sila dahil wala namang tumama sa Haifa at ligtas naman sila sa ngayon.
Malalaman naman aniya nila kung may paparating na missile dahil tutunog ang sirena.
Ayon pa kay Carreon, inabisuhan na rin sila na kailangan nilang maghanda ng mga pangangailangan tulad ng pagkain at tubig at kailangan din nilang isecure ang kanilang mga dokumento tulad ng passport.
Aniya, mahirap umalis ngayon sa Israel dahil kasagsagan ng mainit na sitwasyon kaya magdadasal na lamang sila para sa kanilang kaligtasan.











