CAUAYAN CITY – Nagbabala ang Schools Division Office o SDO Isabela sa mga taong gumagamit ng pangalan ng kanilang opisina at ilang pinuno para makapanloko.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Rachel Llana, Superintendent ng SDO Isabela sinabi niya na nakatanggap sila ng impormasyon patungkol sa mga taong ginagamit ang kanilang tanggapan maging ang kanyang mismong pangalan upang humingi ng pera sa kanilang stakeholders.
Aniya sinasabi ng mga taong tumatawag sa kanilang stakeholders na sila ay empleyado ng SDO Isabela.
Ayon kay Dr. Llana, hindi nagsosolicit ang SDO Isabela ng pera sa kanilang mga stakeholder at iba pang tao at wala rin silang empleyado na nagngangalang Dex Viernes na siyang sinasabi ng mga tumatawag na treasurer umano ng SDO Isabela.
Nagbabala ang SDO Isabela sa publiko pangunahin na sa mga supplier, stakeholders at mga entities ng tanggapan na mag-ingat at huwag magtiwala sa sinasabi ng mga scammer.











