CAUAYAN CITY – Iginiit ng National Public Transport Coalition na tulungan ng Department of Transportation o DOTr ang mga tsuper na palitan ang kanilang mga traditional jeepney units kung nais talaga nilang ipatupad ang jeepney modernization.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ariel Lim, Convenor ng National Public Transport Coalition, sinabi niya na kung nais ng pamahalaan na mapalitan ang mga tradisyunal na jeep sa bansa ay tulungan nila ang mga tsuper na mapalitan ang kanilang mga unit.
Magandang bilhin na lamang ng gobyerno ang mga lumang unit gaya ng ginawa sa bansang Thailand upang maiwasan na ang mga hindi pagkakaunawaan.
Aniya kung noon pa sana ginawa ng DOTr ito ay naiwasan sana ang mga demandahan sa korte dahil hindi na kailangan ang franchise consolidation.
Iginiit din niya na kung bibilhin ng pamahalaan ang mga lumang unit ay tiyakin na mapapayagan pa rin ang mga tsuper na makabyahe sa dati nilang ruta gamit ang mga mabibili nilang bagong unit.
Dapat din aniyang tiyakin ng pamahalaan kung sapat ang lilipatan ng mga tsuper kapag nakapagconsolidate na ang lahat.
Hindi rin siya pabor sa pagsali ng mga tsuper at operator sa kooperatiba dahil kapag bumagsak ang korporasyon ay damay ang lahat ng myembro.
Payo niya sa DOTr na pag-aralan muli ang programa kasama ang kongreso at senado para sila ay matulungan sa budget kung kailangan ng general appropriation mula sa pamahalaang pambansa.











