CAUAYAN CITY – Natagpuan ang bangkay ng isang babae na palutang-lutang sa ilog na bahagi ng Purok 4, Brgy. Alicaocao, Cauayan City, kagabi.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Roger Agcaoili, mangingisda na nakakita sa bangkay, kanyang sinabi na sumabit ang biktima sa kanyang lambat habang siya ay nangingisda sa ilog.
Aniya kaagad umano niyang ipinaalam ang pangyayari sa mga tanod ng barangay at dito na sila tumawag ng mga pulis.
Wala namang nakitang pagkakakilanlan sa biktima maliban sa kanyang suot na itim na t-shirt, itim na leggings, maiksi ang buhok, katamtaman ang taas at may katabaan ang katawan.
Hindi din umano napapansin ng mga taga-Alicaocao ang biktima ngunit ayon sa kanila posibleng taga-Brgy. Gagabutan, umano ito.
Dinala naman sa isang pribadong punerarya ang bangkay at sa ngayon ay iniimbestigahan pa kung ano ang dahilan ng kanyang pagkamatay.











