--Ads--

CAUAYAN CITY – Sugatan ang apat na sakay ng isang traysikel matapos mabangga ng isang kotse sa bahagi ng Diversion Road sa Brgy. San Nicholas, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Jolly Villar, Information Officer ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office, sinabi niya na nabangga ng isang toyota corolla ang tricycle na may apat na sakay kasama na ang tsuper nito habang maswerte namang walang tinamong galos sa katawan ang tsuper ng kotse.

Batay sa pagsisiyasat ng Bayombong Police Station, binabaybay ng tricycle ang lansangan pangunahin sa outer lane at kasalubong naman ang kotse sa kabilang lane subalit umagaw ito ng linya at natumbok ang kasalubong na tricycle na naging dahilan ng banggaan.

Sa lakas ng banggaan ay tumilapon ang  tricycle at nahulog sa bukirin sa gilid ng kalsada na naging dahilan ng pagkasugat ng mga sakay nito.

--Ads--

Ayon sa suspek nawalan siya ng kontrol sa manibela na maaring epekto ng kalasingan dahil nakainom ito nang alak nang mangyari ang aksidente.

Pinaalalahanan naman ni PMaj. Villar ang mga motorista na iwasan nang uminom ng alak kung kailangang magmaneho ng sasakyan.