--Ads--

CAUAYAN CITY- Nagtamo ng sugat sa katawan ang isang lalaki matapos itong pagtulungang bugbugin at saksakin ng apat na katao sa Brgy. San Fermin, Cauayan City, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, ang biktima ay kinilalang si Frederick Barulo, 30 anyos, street vendor, at residente ng Cabaruan, Cauayan City habang ang mga suspek naman ay  sina Juli, 20 anyos, Cris 24 anyos kasama ang dalawang menor de edad na sina Jerry at Vic na pawang mga residente ng Lunsod ng Cauayan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Cauayan City Police Station habang nagkakasiyahan at nag-iinuman umano ang biktima kasama ang dalawa pang indibidwal ay biglang dumating ang apat na suspek.

Aksidente umanong natumba ni Vic ang nakaparadang motor ng biktima dahilan upang magtalo ang mga ito na humantong sa panununtok at pananaksak.

--Ads--

Pinagtulungan umanong bugbugin ng tatlong suspek ang biktima habang si alyas Vic naman ay kumuha ng kutsilyo sa loob ng bahay at saka nito sinaksak ang biktima.

Nagtamo ng isang sugat ang biktima na agad namang dinala sa pagamutan.

Kaagad namang inaaresto ang mga suspek at nasa kustodiya na ng  Cauayan City Police Station.

Pino-proseso na ang kasong Frustrated Murder laban sa mga ito.