--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagpapatuloy ang pagsisiyasat ng Cauayan City Police Station sa naganap na pamamaril sa isang Pastora sa tulay na bahagi ng Barangay Gappal, Cauayan City at pagbabaril sa sarili ng pinaghihinalaan.

Matatandaan na ang biktimang si Ginang Precila Salbatiera ay nagtamo ng tama ng baril sa kanyang tiyan matapos itong tambangan ng pinaghihinalaan na si Eduardo Pabigayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Esem Galiza, Deputy Chief of Police ng Cauayan City Police Station, sinabi niya na bago ang pangyayari ay nag-overtake umano si Pabigayan lulan ng kanyang tricycle at tinambangan ang sinasakyang Toyota Hi Ace Van ng Pastora.

Matapos ang pamamaril sa pastora ay nagtungo umano si Pabigayan sa bahay ng biktima at doon binaril niya ang sarili na naging dahilan ng kanyang pagkasawi.

--Ads--

Nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon ang kapulisan upang malaman ang tunay na  ugat ng pamamaril at pagpapakamatay ng suspek.

Sinisiyasat din ng mga pulisya kung rehistrado ang baril na ginamit ng pinaghihinalaan.

Sa ngayon ay nasa maayos nang kalagayan ang biktimang si Salbatiera.