--Ads--

CAUAYAN CITY – Patuloy ang pagtugis ng pulisya sa isang runner ng marijuana na nakatakas sa mga awtoridad.

Binalewala ng hindi pa nakikilalang drug runner ang checkpoint ng mga pulis sa kahabaan ng municipal road sa Pasil, Kalinga na nagresulta sa habulan. Sakay ang suspek sa isang itim na motorsiklo.

Sa paghahabol, inabandona ng suspek ang kanyang motorsiklo kasama ang isang bag na naglalaman ng pinatuyong marijuana sa gilid ng kalsada partikular sa Sitio Amdalao, Guina-ang, Pasil, Kalinga.

Sa pagsuri sa mga gamit, nakita ng mga pulis ang labing isang brick ng hinihinalang pinatuyong marijuana brick  na tumitimbang ng labing isang kilo at may market value na P1,320,000.

--Ads--

Ang iba pang mga bagay na natagpuan sa tabing kalsada ay isang puting sako, isang itim na XRM 125, isang asul na kapote, at isang dilaw na lalagyang plastik na may lamang gasolina.

Dinala ang mga nakuhang ebidensya sa Pasil Municipal Police Station at kalaunan ay ipinasa sa Kalinga Provincial Forensic Unit para sa kaukulang disposisyon.

Kung matatandaan, nakatakas din ang isa pang runner ng marijuana sa mga pulis habang hinahabol noong unang araw ng Hulyo.

Nagpasya din ang suspek na iwanan ang kanyang motorsiklo at mga tuyong dahon ng marijuana sa kalsada sa Sitio Pokcha, Cagaluan, Pasil, Kalinga.

Tumimbang naman ng 10,000 grams ang mga kontrabandong iniwan ng suspek na may market value na P1,200,000.